Dahil sa bini-build up bilang isa sa mga leading men ng GMA-7 ang model-turned-actor na si Mikael Daez, mababawasan na raw ang pagpapa-pictorial niya nang sexy.
Aniya, kailangan na raw kasing wholesome ang image niya.
Gagampanan ni Mikael ang role na Carlos Miguel sa remake ng 2002 drama series na Sana Ay Ikaw Na Nga.
Si Dingdong Dantes ang unang gumanap ng role na ito.
Pakiramdam ni Mikael, may responsibilidad na siyang dapat gampanan at imaheng dapat ingatan dahil sa oportunidad na ibinigay sa kanya ng Kapuso Network.
“Actually, wala naman silang sinabing tigilan ko ang mga sexy pictorials,” sabi ni Mikael nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa press launch ng Sana Ay Ikaw Na Nga, sa Excess Super Club sa Timog, Quezon City, nung nakaraang Huwebes, August 23.
“They know for a fact na nagsimula ako bilang model on print, ramp, and commercial.
“Siguro ako na rin ang kusang magbabawas sa ganyan, kasi nga iba na ang pag-build up sa atin.
“Hindi naman tayo bini-build up as a sex symbol, kundi isang leading man sa isang drama series.
“So, it’s all up to me and my management kung ano ang mga next step na gagawin namin for this new image of mine.
“I know that it will be starting all over again.
“But if it will benefit me and my career now, ok lang na magsimula ulit tayo ng bagong image.
“Para lang bumagay sa mga ginagawa ko ngayon,” pahayag pa ng 24-year-old na binata.
Sexy photos
Hindi kaila sa lahat na maraming sexy photos ni Mikael ang nagkalat sa Internet.
Galing daw ang mga iyon sa mga ginawa niyang photo shoots para sa iba’t ibang photographers, designers, at products.
“Karamihan naman ay topless ako. Yun kasi ang gusto ng kliyente, e,” nakangiting sabi ni Mikael.
“Kailangan daw may ipakitang abs, muscles. Basta bentahe yung katawan talaga.
“Ok lang naman, because model naman ako and I’m just following instructions.
“Normal na working day iyon for any male model.”
Sa isang fashion show nga raw ay kinailangan niyang magsuot ng underwear at rumampa sa harap ng maraming tao.
“They were really short-shorts. But I guess, underwear na rin siya kung titingnan mo!” sabay tawa niya.
“Wala ka namang choice, e. You have to wear it kasi kasama iyon sa trabaho mo.
“Pero may suot naman ako sa upper body ko. So, hindi masyadong vulgar tingnan.
“So, I wore it and I walked out. Kailangan maging confident ka lang.
“Kung awkward ka, mahahalata iyon, e. Just walk like it’s a normal thing.”
Last time to see a sexy Mikael
Wala pang tiyak na date, pero tuwing pumapasok na ang mga huling buwan ng taon nagaganap ang Cosmopolitan Bachelor Party.
Ang wildly-received event, kung saan nagtitilian ang kababaihan at kalalakihan na rin sa mga nagrarampang mga lalaki, ay inii-sponsor Cosmopolitan Philippines, isang publication ng Summit Media, na siya ring naglalabas ng YES! Magazine. Ang Cosmopolitan Magazine ay edited by Myrza Sison.
Balitang kasama si Mikael sa rarampang 60 Sexy Bachelors.
Ani Mikael, ito na raw siguro ang huling pagkakataon na magpapakita siya ng katawan sa publiko.
“I really worked out for this event. I hit the gym almost every other day. I want to look good for this.
“Since this will be my last time that people will see me half-naked, itodo na natin, di ba?
“I want that night to be memorable para sa mga girls sa audience.”
Andrea to attend
Darating nga raw sa naturang event ang kanyang leading lady sa Sana Ay Ikaw Na Nga na si Andrea Torres.
“She will attend the event to show her support sa akin,” nakangiting sabi ni Mikael.
“First time niya yatang a-attend ng ganung event and she is clueless as to what’s going to happen.
“Sinabi ko naman sa kanya na mag-enjoy lang siya sa mga makikita niya!” natatawang sabi pa ng Kapuso hunk.
Surprise for audience
May naisip na ngang gimik si Mikael na gagawin niya sa stage para hindi siya malimutan ng female audience.
“It will be a surprise!” tawa uli niya.
“Lahat naman ng napiling bachelors, may iniisip na gimik nila, di ba?
“They show this, they hold that, and they throw something to the audience.
“I want to do something different, na alam kong hindi agad malilimutan ng mga tao roon.
“Something that they will talk about for a very long time!” pangako ni Mikael Daez. –PEP.ph
source: gmanetwork.com