Saturday, October 13, 2012

Willie Revillame, ikinuwento ang surprise visit niya kay Joey de Leon sa Startalk


Masayang ikinuwento ng television host na si Willie Revillame ang pagpunta niya sa bakuran ng GMA 7 para personal na batiin at ibigay ang regalo niya kay Joey de Leon na nagdiwang ng kaarawan sa showbiz talk show na Startalk TX nitong Sabado.

Sa artikulong isinulat ni Jojo Gabinete na lumabas sa Philippine Entertainment Portal (PEP), sinabing ikinuwento ni Willie sa kanyang programang Wil Time Bigtime sa TV5 nitong Sabado ng gabi ang masaya niyang karanasan sa pagbisita sa Startalk.

Pinalakpakan at pinuri rin ni Willie ang kabaitan at mainit na pagtanggap sa kanya ng mga empleyado sa Kapuso station. (Basahin: Joey de Leon, sinurpresa ni Willie Revillame sa bakuran ng GMA-7)

Dahil hindi dapat malaman ni Joey na darating siya, sinabi ni Willie na itinago siya sa control booth. Habang nagtatago, panay umano ang pagkuha nila ng litrato ng mga empleyado at staff ng Startalk.

“Palakpakan natin ang staff ng GMA, walang competition, walang personalan," ayon kay Willie. “Yung mga technical nila, yung mga director, yung mga writers. At pagpasok ko sa studio ng Startalk, nagulat… parang hindi makapaniwala na ako, e, nandoon sa GMA."

Ayon pa kay Willie, nagpaalam siya sa mga boss niya sa TV5 bago magpunta sa bakuran ng GMA-7 at pinayagan naman siya.

“GMA-7, salamat po! Atty. Ray Espinosa, Boss Bobby [Barreiro], salamat pinayagan ninyo ako. Siyempre, magpapaalam ka muna sa mga boss mo," kwento pa ni Willie.

Una rito, sinabi ni Joey na pambihirang pagkakataon ang papunta ni Willie sa show na tinawag niyang kaibigan at little brother. - FRJ, GMA News

source: gmanetwork.com