Sunday, May 6, 2012

Derrick Monasterio looks forward to reuniting with his father in the US


Ngayong araw na ito, May 6, ang takdang alis ni Derrick Monastrerio pagpunta sa Amerika kasama ang iba pang cast ng The Road para sa pagpapalabas doon ng nabanggit na pelikula.

Bago nito, sinasamantala niya ang pagkakataon na tanggapin ang lahat ng alok na out of town shows para raw makaipon ng sapat na perang babaunin sa biyahe niyang iyon.

“Siyempre, kailangang may pambili ako ng pasalubong para sa pamilya ko at sa ilang kaibigan,” aniya nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Si Sarah Lahbati ba, kasama sa listahan ng mga bibilihan niya ng pasalubong?

“Bawal po siyang pag-usapan!” sabay tawa ng young actor.

Bakit bawal pag-usapan si Sarah na dati ay maingay na napapabalitang nililigawan niya?

“Sabi po ng manager ko. Basta… huwag na lang daw po akong magsalita tungkol sa kanya.”

Pero magkaibigan pa rin sila ni Sarah?

“Opo,” matipid na sagot ni Derek.

May bago bang ila-loveteam sa kanya kaya pinagbabawalan siya na magsalita about Sarah?

“Wala naman.”

Bakit siya pinagbabawalan ng kanyang manager na pag-usapan siya?

“Wala lang. Basta… masaya po ang magiging experience namin sa US,” nangiting paglilihis ni Derrick sa pinapaksa ng usapan.

“Magkikita kami ng Dad ko roon. Yes!

“Sobrang tagal naming hindi nagkita. Mga four years din.

“Umuwi siya rito four years ago. Pasko ‘yon. Tatlong araw lang kaming nagkasama.

“So, excited ako na magkikita ulit kami. Baka po pumunta siya sa L.A. [kung saan may red carpet premiere ang The Road].

"Kasi kung ako ang pupunta doon sa kanila, malabo, e. Out of the way kasi.”

Busy raw sa trabaho at may iba na ring pamilya sa Amerika ang kanyang ama. Ito raw ang dahilan kung bakit bihira silang magkita.

Kilala ba niya ang mga kapatid niya sa ama?

“No. Hindi pa po kami nagkikita kaya hindi ko sila kilala.

“At saka mahirap kilalanin kasi English-speaking sila, e,” natawa ulit na biro ni Derrick.

“Okey lang sa akin kung halimbawa, kasama sila ng dad ko kapag nagkita kami. Kung ipapakilala niya, okey lang sa akin.”

Ano ang nami-miss niya sa Dad niya?

“’Yong pagiging sweet niya po. At saka pagiging galante,” sabay tawa na naman ng young actor.

“Nagpi-prepare nga ako ng mga ipapasalubong ko sa kanya. Bibigyan ko siya ng durian at saka ‘yong iba pang delicacies dito sa Pilipinas.”

One week lang daw ang ilalagi niya at ng iba pang cast ng The Road sa US Gustuhin man daw niyang mag-extend ng kanyang stay doon para makapag-bonding sila nang husto ng Dad niya, hindi raw pupuwede dahil kailangan agad niyang bumalik sa Pilipinas.

“Ang dami ko po kasing mami-miss na trabaho. Mas gusto ko pong mag-work kesa magbakasyon. Gusto kong samantalahin na marami akong trabaho.” — PEP.ph

source: gmanetwork.com