Monday, September 10, 2012

Dingdong, Aljur, at Rocco: Top 3 Kapuso centerfolds ng Cosmopolitan magazine

Napili ng Cosmopolitan Philippines editor-in-chief na si Myrza Sison sina Dingdong Dantes, Aljur Abrenica, at Rocco Nacino bilang top 3 Kapuso centerfolds ng kanilang magazine.
Sa panayam kay Myrza ng StarTalk TX nitong Sabado, sinabi nitong binalikan ng Cosmo team ang centerfolds nitong nakaraang sampung taon mula nang magsimula ang kanilang Bachelor's Issue at napili niya ang tatlong Kapuso bilang kaniyang paborito.
Tuwing Setyembre, naglalabas ang naturang magazine ng isang centerfold issue kung saan tampok ang mga napiling hunks mula sa industriya bilang sexiest Bachelors ng taon.
Dingdong Dantes: 'nasa kanya na ang lahat'
Si Dingdong ang ideal na leading man dahil tila nasa kanya na ang lahat, ayon kay Myrza.
Inilarawan niya ang Kapuso hunk bilang tall, handsome, edukado, at magaling na aktor.
Nagkaroon din ng malaking impak ang aktor nang mapasama siya sa isang feature ng E! News ukol sa Top 10 Sexiest Man poll.
Ayon pa kay Dingdong, "Na-surprise ako that until now naalala pa niya iyon and she sees me that way."
Nagpasalamat din ang aktor sa karangalang ibinigay sa kanya ng Cosmopolitan PH EIC.
Iginiit din ng aktor na hindi lang sa panlabas na anyo ang batayan ng pagiging isang "hunk."
Aniya, "Para sa akin ang pagiging hunk ay hindi lang sa pampisikal na kaanyuan o panglabas na kaanyuan."
"’Pag sinabi mong hunk, eh, encompasses total manhood. Kapag sinabi mong manhood masasabi mong may tunay na paninindigan sa kanyang salita," saad niya.
Aljur Abrenica: may homegrown appeal
Sa parehong panayam, inilarawan ni Myrza si Aljur bilang isang hunk na may "homegrown appeal."
Pinoy na Pinoy raw ang sex appeal ng Survivor alumnus na taliwas sa karamihan ng ibang hunks sa bansa na may dugong dayuhan.
Dagdag pa ni Myrza, sinabi rin ng isang Cosmo staffer na "he has the face of a gentleman, but a body made for sin."
Ayon naman kay Aljur, isang malaking papuri raw para sa kanya ang masabihang Pinoy na Pinoy.
Aniya, "I feel honored na isa ako sa napili na favorite nila. Hindi pa ganon kaganda ‘yong katawan ko, binansagan na nila [Cosmopolitan] akong hunk talaga."
"Simula noon, ‘yon ang isa sa mga inspirasyon ko na ma-pursue na mapanagutan ko ‘yong title na binigay sa akin ng GMA," diin niya.
Rocco Nacino: intense Pinoy appeal
Magaling na aktor na may intense at "homegrown" Pinoy appeal ang paglalarawan ni Myrza sa Kapuso hunk na si Rocco.
Kaya naman ikinatuwa ng aktor nang malaman nitong kabilang siya sa Top 3 Kapuso centerfold hunks na pinili ng naturang magazine.
Ayon kay Rocco, "Of course very flattering na nakasama ako doon sa list ng Top 10 hunks sa Cosmo by Ms. Myrza. Ngayon mas motivated na ako ngayon para magbigay ng magandang performance para sa mga audience."


"To be honest, ‘yong katawan ko hindi siya ganon ka-perfect ['di tulad] nang ibang hunks na meron tayo [sa bansa]. Pero sa tingin ko, just feeling confident about myself at ‘yong feeling na I can be myself, be someone na ganito si Rocco," diin nito. –Mac Macapendeg/KG, GMA News

source: gmanetwork.com