Tuesday, July 10, 2012

Comedy King Dolphy, pumanaw na


Matapos ang may isang buwan na pakikipaglaban sa sakit, pumanaw na nitong Martes ang 83-anyos na Comedy King na si Dolphy.

Dakong 8:34 p.m. nang pumanaw si Dolphy, ayon sa ulat ng GMA News TV's State of the Nation (SONA) with Jessica Soho.

Sa panayam ng SONA kay German "Kuya Germs" Moreno, kaibigan ni Dolphy, sinabi nito na nakumpirma niya ang pagpanaw ng comedy king nang tawagan niya ang apo ng beteranong aktor na si Boy2 Quizon.

Isinugod si Dolphy sa Makati Medical Center at inilagay sa Intensive Care Unit (ICU) noong June 9, matapos na dumaing na nahihirapan itong huminga.

Mula nang maospital, ilang ulit na sumailalim sa dialysis at blood transfusion si Dolphy. Nagkaroon din siya ng mga komplikasyon na dulot ng pulmonya.

Sa naunang panayam sa kanyang anak na si Eric Quizon, sinabi nito na dati nang may sakit na chronic obstructive pulmonary disease ang kanyang ama.

Sa ulat ng 24 Oras nitong Martes, sinabi ni Epi Quizon, anak ni Dolphy, na maituturing nilang milagro ang patuloy na pagbuti ng kalagayan ng kanyang ama.

Pero inamin ni Epi na ilang ulit nang muntikang mawala ang kanyang ama sa ilang linggong pagkakaratay sa ospital.

Dagdag pa niya, may bagong gamot na ginamit sa comedy king para labanan ang pulmonya nito at positibo ang nagiging resulta.

Sinabi rin ni Epi na gusto na raw umuwi ng kanyang ama batay sa buka ng bibig nito.

Ipagdiriwang sana ni Dolphy ang kanyang ika-84 kaarawan sa July 25.

Ang simula ni Dolphy

Bago pasukin ang pelikula, unang nakilala si Dolphy sa teatro sa pagsasayaw ng bodaville kasama ang pumanaw na ring si Bayani Casimiro noong panahon ng ikalawang digmaan pandaigdig.

Kasama ang ama, naghahatid din muna si Dolphy ng pagkain sa Avenue Theater sa Maynila, at natututo ring maglinis ng mga sapatos.

Mula sa pagsasayaw, nabigyan si Dolphy ng break sa pag-arte nang maghanap ng gaganap na testigong Chinese sa drama sa teatro at siya ang napili.

Pumatok ang pakwela ni Dolphy sa naturang palabas at mula noong nakilala siya sa karakter na “Golay" na una niyang naging “screen name."

Unang pelikula bilang “guest appearance" ni Dolphy na may screen name na Rodolfo Quizon ang pelikulang, Dugo ng Bayan noong 1948 at pinagbidahan ni Fernando Poe Sr.

Maituturing big break ni Dolphy sa pelikula ang pagdadala sa kanya ni Pancho Magalona sa Sampaguita Picture, kung saan nakasama siya pelikulang, Isang Sulyap Mo Tita noong 1953.

Sa Isang Sulyap Mo Tita ay ipinaalis na ang pangalan niyang “Golay" at mula noon ay nakilala na siya bilang si “Dolphy."

Isinilang si Dolphy sa Tundo, Maynila noong July 25, 1928. Panganay siyang lalaki sa 10 magkakapatid. Ang kanyang ama na si Melencio Espinosa-Quizon, ay isang ship mechanic at ang kanyang ina ay si Salud Vera Quizon.

Pinasikat niya ang “puruntong short" (short na mahaba) dahil sa karakter ni Dolphy sa TV hit sitcom na “John and Marsha" bilang si John Purontong.

Sa kanyang pagsasayaw, nakapagtrabaho rin si Dolphy (kasama si Bayani) sa Hong Kong at Japan, kung saan tumatagal sila ng hanggang anim na buwan sa bawat kontratang pinipirmahan. Itinuturing ni Dolphy ang sarili na kabilang sa mga unang OFW.

Mayroon 18 anak si Dolphy mula sa anim na babae na kanyang minahal. Ito ay sina Grace Dominguez , anim na anak; Gloria Smith , apat na anak; Baby Smith, apat na anak; Vangie Tagulao, isang anak; Alma Moreno , isang anak; at si Zsa Zsa Padila, isang anak (at isang ampon.

Sa anim na babae, walang napakasalan si Dolphy na itinuturing ng comedy king na kabiguan sa kanyang buhay.

Nagplano sina Dolphy at Zsa Zsa na magpakasal pero hindi ito nangyari dahil tumagal ang pagdinig sa annulment ng kasal ni Zsa Zsa sa kanyang unang asawa.

Taong 1960’s nang itatag ni Dolphy ang kanyang sariling film company na RVQ Production. Unang proyekto nito ang movie version ng hit TV sitcom na Buhay Artista.

Huling naging pelikula ni Dolphy ang Father Jejemon na isinali sa Metro Manila Film Festival noong 2010. Nagkaroon din siya ng special participation sa pelikulang Rosario na kasali rin sa 2010 MMFF.

Noong November 2010, ipinagkaloob ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang Grand Collar of the Order of the Golden Heart kay Dolphy – ang pinakamataas na pagkilala na ibinibigay ng Pangulo sa isang pribadong mamamayan dahil sa kanyang ambag sa entertainment industry at mga kawang-gawa.

Sa kanyang ika-80 taong kaarawan noong 2008, inilunsad ang biographical book na, Dolphy, Hindi Ko Ito Narating Mag-isa, na ang kikitain ay mapupunta naman sa isang foundation na tutulong sa mga OFWs.

Taong 2008 nang magsama sa pelikula sina Dolphy at ang itinuturing Comedy Prince na si Vic Sotto para Dobol Trobol.

Nakilala rin si Dolphy sa pagganap sa karakter na mga bakla tulad ng Facifica Falayfay (1969); Fefita Fofongay (1973), Sarhento Fofongay, A...ewan (1974); Ang Tatay Kong Nanay (1978) at Markova:Comfort Gay.](2001).

Nakamit ni Dolphy ang kanyang Best Actor award sa Famas noong 1978 sa kanyang pagganap sa pelikulang Omeng Satanasia, na produced ng RVQ Productions.

Sa Markova:Comfort Gay, nakamit ni Dolphy at mga anak na sina Eric at Jeffrey Quizon ang Prix de la Meilleure Interpretation, nakatumbas ng Best Actor Award sa Brussels, Belgium. – FRJimenez, GMA News

source: gmanetwork.com