Tuesday, June 12, 2012

Marian Rivera, ipinaliwanag kung bakit ‘di pa siya handang magpakasal

Sa ginawang panayam ng PEP Talk ng Philippine Entertainment Portal (PEP), ipinaliwanag ng Kapuso Primerime Queen na si Marian Rivera ang dahilan kung bakit hindi pa sila handang lumagay sa tahimik.

Sa naturang panayam, sinabi ni Marian dahil naniniwala siyang kailangang maging buo muna ang pagkatao ng isang tao bago pumasok sa lifetime commitment.

“Kapag sinabi kong, ‘Oo, gusto kong ikasal,’ ibig sabihin, kailangan buo ‘yong pagkatao ko. Hindi lang, ‘ay! love ko siya! Ay! kasal na tayo!’ Hindi," paliwanag ng aktres sa PEP Talk, ang kauna-unahang online showbiz talk show sa bansa.

Iginiit niya na magpapakasal lamang siya kapag buo na ang kanyang pagkatao at kapag handa na siya sa mga maaaring kahinatnan ng pagiging maybahay.

“Sa ngayon masasabi ko na mayroon pang kailangan na mabuo kay Marian Rivera para maging wife," pahayag niya.

Bukod dito, naniniwala rin ang Primetime Queen na hindi edad ang dapat maging basehan ng pagmamahal.

Nasa 30’s na ang nobyo ni Marian na si Dingdong Dantes. Samantala, nasa late 20’s naman ang Kapuso actress.

“Wala naman sa edad ‘yan, e. May mga bata nga ikinakasal na 18 years old, pero matured. May mga ikinakasal na 35 years old, pero hindi nagwo-work ang relationship. So, nasa pagkatao ‘yan," ayon kay Marian.

Wala naman daw particular tema ng kasal na naiisip si Marian.

"Siguro kahit dati pa, isa lang ang pangarap ko na wedding — basta sa church. Kahit ano pa ang suot ko diyan, basta ang gusto ko sa simbahan," aniya.

Sa kabila nito, hindi naman daw kailangang mabahala ng mga ‘Marianknights’ (Marian Rivera fans) dahil hindi niya iiwan ang showbiz kahit na ikasal na siya.

"Ay, hindi mangyayari ‘yan. Mahal ko ang trabaho ko. Dito ako nakilala. Dito ako minahal ng tao kung sino talaga ako.Hindi mawawala sa dugo ko ang pag-arte at pagsasayaw," pagtiyak ni Marian. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News

source: gmanetwork.com