Thursday, April 26, 2012
Isabel Oli learns important lesson about hiring househelp
Pagkatapos pagnakawan ng kanyang kasamabahay si Isabel Oli, natuto na raw ang aktres na huwag masyadong magtiwala sa mga taong hindi pa niya lubos na kilala.
Aminado si Isabel na dahil sa malungkot na kuwento ng kasambahay, na pinaghihinalaang nagnakaw sa kanilang bahay, kaya niya ito agad tinanggap at pinagkatiwalaan.
Lorna Baliba ang pangalan ng kasambahay na pinaghihinalaang nagnakaw ng ilang mga kagamitan sa bahay nila Isabel.
“Nature ko na siguro yung maawa ako sa mga malulungkot na kuwento.
“Noong una ngang mag-apply sa akin ‘yan, marami siyang kuwento—naghiwalay sila ng asawa niya, may mga anak siyang pinag-aaral, at hirap siyang makahanap ng trabaho.
“Ako naman kasi, gusto kong tumulong talaga. Kaya tinanggap ko siya.
“Ni hindi ko na nga naisip na ipagtanong siya since nalaman ko na galing pala siya kay Angel Locsin.
“Kumbaga, hindi na ako nag-imbestiga pa kasi nababaitan ako sa kanya.
“I just wanted to give her a job at hindi ko naman nakita sa kanya na pagnanakawan niya ako balang-araw," sabi ni Isabel tungkol sa kanyang naging kasambahay nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Studio 6 ng GMA Annex Building.
Higit daw sa P100,000 ang halagang naipuslit ng kasambahay ni Isabel mula sa kanilang bahay sa Fairview, Quezon City. Apat na buwan pa lang na nagtatrabaho ang nasabing kasambahay sa kanya.
Napag-alaman din ni Isabel na pinagnakawan din pala ng kasambahay na ito si Angel Locsin noong magtrabaho ito bilang yaya ng aktres.
Kuwento pa ni Isabel, noong nasa Boracay siya para sa taping ng programang Sports Pilipinas ay naiwan ang kanyang kasambahay sa bahay kasama ang kanyang amang maysakit at ang nurse nito.
Kuwento naman ng nurse kay Isabel, nakita raw niyang akyat-baba ang kanilang kasambahay na may dalang trash can. Inakala lang daw ng nurse na naglilinis ito sa mga kuwarto at nagtatapon ng basura.
Patuloy ng aktres, “Huli siyang nakitang lumabas ng nurse ay around 6 p.m. ‘Tapos nawala na siya. Naiwan yung trash can sa labas.
“Pagkauwi namin, doon namin nalaman na marami nang nawala sa bahay.
“Nawala ang camera ko, pera ng sister-in-law ko, pera para sa budget sa bahay, mga relo ko na ginagamit ko for taping, at mga cell phones ng pamangkin ko.
“Buti na lang at yung mga alahas ko, nakatago siya somewhere sa kuwarto ko kaya hindi niya nanakaw ang mga iyon.
“Yun lang mga madali niyang nakalkal ang kinuha niya."
HIS DADDY'S WATCH. Pinaka-nalungkot daw si Isabel nang manakaw din ang relo ng kanyang ama na may sentimental value dito.
Aniya, “Yun na siguro ang irreplaceable sa mga nanakaw.
“That watch has been my dad’s watch noong bata pa ako. Paborito niyang relo iyon.
“Dinala kasi ‘yan ng kapatid ko from Cebu two weeks ago.
“Sa Fairview na kasi si Daddy naka-stay kaya dinala na lang ito ng brother ko dito.
“Pati yun pala nanakawin din. Naiyak ako kasi nga relo iyon ni Daddy."
THE SEARCH. Mabilis raw nai-report ni Isabel ang pagnanakaw sa police station sa tulong na rin ng kaibigan niyang taga-GMA News.
“Nanggaling na rin kami sa NBI at nasimulan na nila ang paghanap [sa suspek].
“Gusto ko talaga siyang mahanap at matigil ang kanyang mga ginagawa.
“Baka kasi makabiktima siya ng ibang mga tao, lalo na ang ibang artista na naghahanap ng kasambahay
“Hindi ko na hinahabol ang mga ninakaw niya sa bahay. Alam ko na wala na ang mga iyon.
“Ang habol ko lang ay ang pigilan siya na gawin ito sa ibang tao."
Sa susunod nga raw na may mag-apply na kasambahay kay Isabel, sisiguraduhin niya na kumpleto na ito sa mga importanteng papeles bago niya ito tanggapin.
“Natuto na ako ngayon. Hindi na ako basta maaawa," sabay ngiti niya.
“Hihingin ko ang NBI clearance, police clearance, barangay clearance, at lahat pa ng kung anu-anong clearance.
“At kailangan authentic lahat kasi may napepeke palang mga ganyan.
“Sa ngayon, hindi muna ako tatanggap. Kami-kami na muna sa bahay ang magtutulungan para iwas sa ganyang problema," sabi niya.
BUSY AT WORK. Buti na lang daw at maraming trabaho ngayon si Isabel kaya mabilis niyang mababawi ang mga nawala sa kanila.
“Right now, I have Party Pilipinas every Sunday and Showbiz Exclusives from Monday to Friday.
“I also have Sports Pilipinas on GMA News TV every Sunday din.
“Enjoy ako sa hosting at malaki na rin ang naging improvement ko. Mas lively na raw ako ngayon.
“Wala pa naman akong bagong series. The last one I did was Daldalita.
“Meron naman daw akong gagawin at hinihintay ko lang kung kailan mag-start.
“Kaya ngayon, puro hosting muna sa TV at sa mga out-of-town shows. I also have guestings sa ibang shows."
SINGLE AND AVAILABLE. Pagdating naman sa personal na buhay ni Isabel, claim nito na “single and available" siya ngayon.
Pero hindi raw niya muna bibigyan ng atensiyon ang kanyang personal na buhay.
“Pahinga muna tayo sa ganyan.
“Alam ko na matagal na yung last relationship ko.
“I’ve moved on naman na. Pero hindi priority ang lovelife ko.
“I want to work and work and work! Yun lang muna at saka na ang love!" natatawang sabi ni Isabel. -- Ruel J. Mendoza, PEP
source: gmanetwork.com
Labels:
Actress,
Celebrity,
Isabel Oli,
Manila,
PEP,
Philippines