Wednesday, October 3, 2012

Dingdong Dantes at Marian Rivera, nagkakalabuan na nga ba?

Sinagot ng Kapuso leading man na si Dingdong Dantes ang mga intriga na nagkakalabuan na sila ng kanyang kasintahan na si Kapuso Primetime Queen Marian Rivera.

Sa Star Bites ng GMA News TV’s Balitanghali nitong Miyerkules, sinagot ni Dingdong ang intrigang mayroon na siyang ibang babaeng minamahal na ipinalit daw kay Marian.

Matapos ang autograph signing na dinaluhan ni Dingdong para sa comics version ng pelikula niyang Tiktik: The Aswang Chronicles, sinabi ng aktor na masayang-masaya ang relasyon nila ni Marian.

"We're very okay and in fact, we've never been this happy so confident naman kami sa relationship namin that we're stronger now than even we were before," pahayag ng binata.




Wala raw ideya si Dingdong kung saan nanggagaling ang mga intrigang ibinabato sa kanila ni Marian.

Sa isang ulat na lumabas sa Philippine Entertainment Portal (PEP), inilarawan ni Dingdong ang relasyon nila ni Marian na nasa “tuktok ng kaligayan."

“Kung ire-rate at ira-rank ko yung relationship namin mula nang mag-umpisa kami, I think parang we’re at the peak of happiness," ayon sa 32-anyos na aktor.

Gayunman, hindi pa rin daw nila matiyak ni Marian kung kailan magaganap ang pinakahihintay ng kanilang fans na kasalan.


“Sino bang hindi may gusto nun? Pero para sa akin, darating ang tamang panahon para diyan," aniya. “Napag-usapan, pero hindi pa naman masyado." - MMacapendeg/FRJ, GMA News

source: gmanetwork.com