Thursday, September 20, 2012

Marian Rivera at Heart Evangelista, nagkabati sa Dolphy tribute special

Bukod sa kasiyahan, may dala ring pagkakaisa ang ginanap na musical tribute para sa Comedy King na si Dolphy. Maliban sa napag-isa nito ang tatlong major television networks sa bansa, naging daan din ito para magkabati ang mga Kapuso star na sina Marian Rivera at Heart Evangelista.

Sa artikulong isinulat ni Gorgy Rula na lumabas sa Philippine Entertainment Portal nitong Huwebes, sinabing tahimik na nagkaayos sina Marian at Heart.

Matatandaan na napaulat na nagkaroon ng hidwaan ang dalawa sa shooting ng isang movie na ginawa nila last year.

Sa musical tribute kay Dolphy na may titulong Alay Tawa: A Musical Tribute to the King of Philippine Comedy, nagsama-sama ang mga talent ng GMA-7, ABS-CBN at TV5 para magtanghal.

Kabilang sina Marian at Heart sa mga Kapuso talent na kumatawan sa GMA-7.

Sa ulat na lumabas sa PEP, sinabing nasa holding area SM Mall Arena ang ilang big stars na naghihintay na isalang sa stage. Doon ay namataan sina Heart at Marian.

Kausap umano ni Heart si Raymond Gutierrez, habang kasama naman ni Marian sa kabilang lamesa sina Dennis Trillo at ang manager nilang si Popoy Caritativo.

Dito ay pabiro umanong itinuro ng showbiz press kay Marian si Heart, at napangiti naman ang Kapuso primetime queen.

Nang tanungin daw si Marian kung nagkabati na sila ni Heart, sinabi ng una na lumapit si Heart sa kanya at nagbeso sila.

Sapat na raw iyon para sabihin na wala ng problema sa kanilang dalawa.

Nasabi naman ni Heart noon na tamang timing lang ang kailangan para maayos anuman ang naging problema nila.

Inilarawan pa ni Heart si Mariam na "She’s very nice."

Nang hingan ng pahayag si Marian tungkol muli sa kanila ni Heart, sinabi ng Kapuso actress na: "Ay naku, huwag na natin pag-usapan ‘yan. Basta okay kami. Wala nang intriga." - FRJ, GMA News

source: gmanetwork.com