Tuesday, July 3, 2012

Pneumonia ni Dolphy, bumalik

Masusi pa ring binabantayan ng mga duktor sa Makati Medical Center ang kalusugan ng Comedy King na si Dolphy matapos bumalik ang pneumonia nito.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing ito na ang ika-12 ulit na nagkaroon ng pneumonia si Dolphy sa loob ng nakalipas na buwan.

Matagal nang may sakit na chronic obstructive pulmonary disease (COPD) o sakit sa baga ang beteranong aktor.

Naging maayos naman umano ang isinagawang blood transfusion at dialysis kay Dolphy nitong Lunes.





Umaasa ang pamilya ni Dolphy na patuloy na bubuti ang kalusugan nito, lalo pa’t ipagdiriwang niya ngayong buwan (Hulyo 25) ang kanyang ika-84 taong kaarawan.

Patuloy naman umanong nakikipag-komunikasyon si Dolphy sa pamamagitan ng pagtaas ng kilay nito at iba pang facial gesture, at maging sa pagpisil ng kamay.

Hindi pa rin makapagsalita si Dolphy dahil sa tubo na inilagay sa kanyang leeg na tumutulong sa kanyang paghinga. - FRJ, GMA News

source: gmanetwork.com