Tuesday, July 31, 2012

Julie Anne San Jose, lalong nagiging open kay Elmo Magalona


Kumakalat kamakailan sa internet ang larawan ng Kapuso love team na sina Julie Anne San Jose at Elmo Magalona, na masayang nagbobonding sa isang coffee shop sa Eastwood.

Sa exclusive interview ng Startalk TX last Saturday, inamin ng young Kapuso singer-actress na totoo ngang nagde-date sila ng ka-loveteam noong panahon na iyon.

“That time po kasi parang nagkayayaan po kami. Si Mo [palayaw ni Elmo] po, niyaya ako na manood ng movie which is ‘yong Dark Knight, and nagkataon na nasa shooting po kami ng Together Forever. So ayon po, lahat kami ‘di pa nakakanood noong movie na ‘yon so we all decided to watch," kwento ng young actress.

Halos dalawang taon na ring magkatambal ang dalawa, ngunit ito pa lamang ang kauna-unahang pagkakataon na pinayagan si Julie na lumabas kasama ni Elmo.

“Pinagpaalam po ako ni Elmo kina Mama at Papa, kasi ayon po ‘yong parang first time ko na lumabas with Mo. ‘Yon din ang first time niya na lumabas with me. I really think it is fun to hang out with him," dagdag niya.

Inamin din ng young star na lalo niyang nakikilala si Elmo, at sa tingin niya’y ganoon din ito sa kanya.

“Parang halos araw-araw na lang kaming magkasama eh. Parang ang kulang na lang, magkapalit na kami ng mukha ‘di ba? Actually ngayon, lalong nagiging mas-open kami at nawawala na rin ‘yong awkwardness namin. Patagal kasi kami ng patagal sa industry ‘di ba? And it’s really nice na mas nakikilala namin ‘yong isa’t isa," nakangiting kwento ni Julie Anne.

Sa darating na August 15 ay ipalalabas na ang first ever Julie-Elmo love team movie na Just One Summer, aminado si Julie Anne na medyo kabado siya sa magiging resulta ng kanilang pelikula.

“May times na kinakabahan ako kasi iniisip ko rin kung ano ‘yong mangyayari or kung ano ba ‘yong magiging reaction ng mga tao doon sa movie," pahayag niya.

Bukod pa rito’y tiniyak ng singer-actress na siguradong sulit at maraming life lessons na matututunan mula sa kanilang movie.


“Marami po kaming pinaghandaan at pinaghirapan ni Elmo and of course po, sa direksyon po ni Direk Mac Alejandre. Marami rin pong veteran actors and actresses ‘yong nandoon sa movie. So I think It’s gonna be worth watching talaga at marami silang matututunan," pagbabahagi ni Julie Anne. -- Paula Panganiban/MM/FRJ/GMANetwork.com

source: gmanetwork.com