Monday, July 23, 2012

Angelica Jones, 7-months pregnant; inaming may problema sila ng ama ng bata


Seven months na ang baby na ipinagbubuntis ng comedienne-turned politician na si Angelica Jones. Sa Startalk TX nitong Sabado, ipinagtapat niya na apat na buwan na silang hindi nag-uusap ng ama ng bata na isa umanong local politician sa Batangas.

Naging makulit at kwela ang ginawang pagtatanong ng Startalk hosts na sina Joey de Leon at Lolit Solis kay Angelica na board member na ngayon ng lalawigan ng Laguna.



Biro agad ni Joey, si Angelica ang babaeng hindi dumaan sa pagbo-boyfriend at nabuntis kaagad.

Sinundan pa ito ni Joey ng tanong kung “Illac" ang ipapangalan niya sa bata. Patungkol ito sa model-philanthropist na si Illac Diaz na nakademandahan noon ni Angelica.




Ayon kay Angelica, boy ang magiging baby niya batay sa resulta ng ultrasound. At dahil itinuturing niyang anghel ang kanyang first baby, Angelo ang ipapangalan niya sa bata.

Paglilinaw din niya, walang “sabit" at binata ang ama ng baby niya na pinangalanan niyang si Dr. Gerald Alday, na konsehal umano sa San Jose, Batangas.

Nakilala daw niya ito sa isang pagtitipon ng National Movement of Young Legislators (NMYL), kung saan kabilang sila ni Alday.

Hindi umano natuloy ang plano nilang magpakasal noong nakaraang Pebrero kahit nakapagpagawa na siya ng gown at wedding ring, at nakapagpareserba na sa simbahan, at lugar ng reception.

Kasunod nito ay ipagtapat din ni Angelica na nagkakaroon sila ng problema ng konsehal at ilang buwan na silang hindi nag-uusap kaya hindi na siya siguro kung matutuloy pa ang kasal.

Dahil hindi taga-showbiz, maaaring hindi raw kinaya ng lalaki ang mga paninira at mga intriga tungkol sa kanila, ayon pa kay actress-politician.

Sakabila nito, masaya si Angelica sa kanyang nalalapit na pagiging ina. May nagbabala na kasi sa kanya noon na baka hindi na siya mabuntis dahil na rin sa kanyang myoma at cysts.

Matapos umanong i-pray over ni Bro. Mike Velarde ng El Shaddai at mga pagsisimba, nawala na umano ang cysts at nabawasan na rin ang myoma. -- FRJimenez, GMA News

source: gmanetwork.com