Tuesday, May 1, 2012

Mga likha ng Pinoy fashion designer na si Francis Libiran, ipinamalas sa sikat na reality modeling show sa US


Itinampok sa reality modeling show na America’s Next Top Model na kilala rin bilang ANTM ang mga couture pieces na ginawa at idinisenyo ng Pinoy fashion designer na si Francis Libiran.

Isinuot ng mga kalahok ang couture pieces na gawa ni Francis para sa photoshoot challenge ng ANTM season o cycle 18, kung saan host ang supermodel na si Tyra Banks at ipinapalabas sa ETC (Entertainment Central).

Gawa sa iba’t-ibang Hello Kitty products ang couture pieces tulad ng mga lunchbox, domino pieces, strap bracelets, at iba pa.

Sinasabing tatlong buwan ang ginawang pagproseso ni Francis sa mga couture pieces para sa naturang photoshoot.

Ang salitang couture or Haute couture ay salitang French na ibig sabihin ay high fashion. Ang mga na damit na itinuturing couture ay elegante, at gawa sa mamahaling tela o masasabing one of a kind o unique.

Ipinakita rin ngayong season ng ANTM ang actress-host na si Anne Curtis bilang muse ng fashion designer. Sa papamagitan ng mga larawan, ipinakita ang mga ginawang gown ni Francis na isinuot ni Anne.

Maliban kay Francis, may ilan pang Pinoy fashion designers ang naipakita na rin sa ANTM. Kabilang dito si Michael Cinco, isang Dubai-based Filipino fashion designer, na nai-feature ang mga obra noong Cycle 16 at Cycle 17.

Kamakailan lang ay isinuot naman ni Tyra ang gown na gawa Rajo Laurel para sa isang episode ng naturang show kung saan ang producer ay si Michael Carandang, na isa ring Pilipino. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News

article source: gmanetwork.com