“Cloud nine pa rin ako!"
Ito ang masayang sambit ni Rocco Nacino nang tanungin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kung ano ang pakiramdam na sa loob ng sampung araw ay nakadalawang acting awards siya.
Noong March 14 ay nagwaging Best New Movie Actor si Rocco sa 28th Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club (PMPC).
Ten days later, noong March 24, ay nanalo naman siya sa kategoryang Breakthrough Performance by An Actor sa 9th Golden Screen Awards ng Entertainment Press Society (EnPress).
Ang dalawang tropeo ni Rocco ay para sa pagganap niya sa kanyang debut film na Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa, na isa sa mga New Breed entries sa Cinamalaya film festival noong isang taon.
Ang mga napanalunan niyang awards daw ay naging dahilan para mas lalo siyang maging “motivated" sa kanyang trabaho.
Sabi ni Rocco, “Very motivated dahil nakausap ko ang mga taong talagang nagke-care sa akin, na sinasabihan ako na, ‘Pag nalaman ko na lumaki ang ulo mo, ako ang unang-unang susuntok sa ‘yo!’
“I had few people tell me that at nagpapasalamat ako na nagke-care sila sa akin, concerned sila sa akin.
“At sobra akong ganadong magtrabaho ngayon."
Saan nakapuwesto ang dalawang acting trophies niya?
“Sa divider namin sa bahay, katabi yung trophies ko sa StarStruck," nakangiting sabi ni Rocco.
Inaasahan ba niyang madadagdagan pa ang awards niya ngayong taon?
“Hopefully, with the projects I’m receiving now, magaganda yung feedbacks… sa Good Daughter, maganda yung feedback.
“I’m just hoping for the best.
“Kung ma-nominate, malaking honor na ‘yon para sa akin."
Ang The Good Daughter ang pinagtatambalan nilang afternoon soap ni Kylie Padilla sa GMA-7.
Nakausap ng PEP si Rocco sa thanksgiving presscon para sa Afternoon Prime block ng GMA-7 na ginanap nitong Martes ng gabi, March 27, sa Studio 6 ng GMA Network.
UNDER THE WEATHER. Ano naman ang reaksiyon ng mga kasamahan niya sa StarStruck sa back-to-back awards niya?
“First ten people—sila Enzo [Pineda], sila Steven [Silva], sila Mark Herras…
“Kaya haping-happy ako those two nights, makita ko yung mga bati sa akin ng malalapit kong kaibigan, nakakatuwa, nakakatuwa talaga. Sobra!
“Nung nakita ko yung texts nila Enzo, si Sheena [Halili] nag-congratulate sa akin, mga directors, mga kaibigan ko.
“So it’s really humbling na malaman na I have such good friends,'"saad ng ngayo'y award-winning actor na.
Yun nga lang, bagamat nasa alapaap pa rin ngayon ang kanyang pakiramdam dahil sa awards na napanalunan ay dinapuan naman ng sakit si Rocco.
Aniya, “Bumigay na yung katawan ko, may sakit ako ngayon. Wala akong boses.
“Medyo naapektuhan yung taping ko kahapon.
“Pero kumakain ako ng maraming oranges, mga vitamin C.
"At nagpapagaling para makapagtrabaho ulit."
Worried din ba ang rumored girlfriend niyang si Sheena na may sakit siya?
“Concerned siya… oo naman, oo naman.
“Pinapaalala niya yung mga gamot na kailangan kong inumin para ano… thoughtful lang naman si Sheena."
Dagdag pa ni Rocco, “Alam ko may mga injuries ako ngayon kaya hindi ako makapag-train sa Lam-ang.
“Pero nakakalimutan ko ‘yon at gusto kong maging perfect itong Lam-ang na ‘to kaya kahit anong sakit, titiisin ko para maging maganda itong film."
NUDITY IN FILM. Ang Lam-Ang ay ang pagsasapelikula ng epic Ilocano poem na 'Biag Ni Lam-ang.' Si Rocco ang gaganap sa title role.
Sa April 20 na ang simula ng shooting ng pelikulang ito.
Handa na ba ang katawan ni Rocco para sa Lam-ang, kung saan nakabahag lamang siya?
Ayon sa StarStruck V alumnus, “Hindi, ngayon tinigil ko muna pag-diyeta kasi bumagsak yung katawan ko, e. Nasira yung resistensiya ko.
“Binalik ko muna yung normal kong pagkain."
Pero handa na ba siyang magpakita ng puwet kung saka-sakali?
“Sige lang! Pakitaan na ng puwet ‘to!" sakay namang biro ni Rocco.
Pero ang sabi sa akin ni Direk Ana [Agabin], hindi naman masyadong revealing ‘to…
“Revealing, pero hindi pa kami nakakapag-costume fitting, e.
“Malamang, during the fight scenes, may makikita pa rin, pero okey lang naman ‘yon—para sa ikakaganda ng movie."
Hanggang saan ba ang kaya niya pagdating sa pagtanggap ng roles o sa mga eksenang gagawin niya? Handa ba siyang maghubad o gumawa ng nude scenes sa pelikula?
Nabanggit ng PEP kay Rocco na hindi naman porke’t may nude scenes ay nangangahulugan nang bold ang tema ng isang pelikula.
Ibinigay naming halimbawa ang 2011 Taiwanese film na You Are The Apple of My Eye na isang romantic-comedy film, kunsaan maraming nude scenes ang bidang lalake (Ko Chen-tung).
Ito ay dahil nakalakihan niya na nakahubad palagi siya kapag nasa loob ng bahay; kahit na sa harap ng kanyang mga magulang o kahit na nasa harap ng hapag-kainan o kahit na nag-aaral lang siya.
Ang Taiwanese film na ito ay nakakuha ng maraming nominasyon sa nakaraang Asian Film Awards, kung saan nanalo ang mga kababayan nating sina Eugene Domingo at Shamaine Buencamino.
Kaya ba ni Rocco na gawin ang ganitong klase ng role kung saka-sakali?
“Malaking challenge ‘yan, ha. Malaking challenge yung ganyan," napaisip na sabi ng young actor.
“I would say because I love this art, I love this craft, I love finding challenges for different kinds of characters, there may come a time na pag-isipan ko na gawin ‘yan… ganyang klaseng ka-daring.
“Kasi nga, just to experience different kinds of roles, I guess I would do it.
“Pero siyempre, nandiyan yung management, so madadaan sa matinding pag-uusap, kung magiging okay ‘yan.
“Pero ako, as much as possible, gusto kong gawin lahat, at the right time." -- Erwin Santiago, PEP
article source: gmanetwork.com